Scattered bits of my awesome brain

Buhay Magsasaka

Posted on: August 18, 2012

First agit blogpost na nagawa ko. Blogpost din na nagsasalaysay ng pagkamulat ko. E kasi matetegi na daw yung multiply huhu. 😦 Sharing just because.

 

Kakagaling ko lang sa kabundukan.
Kakadanas ko lang ng hirap ng buhay ng isang magsasaka.
At aking ilalahad ang lahat ng karanasan ko, baka magsilibing aral sa inyo.

Naranasan niyo bumaba ng isang bundok at umakyat ng isa pa para lang makauwi sa inyong tahanan?

  • Ako oo, yan ang naranasan ko. Dumaan ako sa matarik at makitid na daan. Sa alikabok, dumi, at mga halaman na makakati. Bawat pagkadulas, bawat sugat, tumiim sa aking balat at tumagos sa aking buong kamalayan. Nakaani ako ng mga kaibigan sa daan na papunta pa lamang. Mga taong kasabay kong nahirapan ngunit nagagagwang palakasin pa rin ang loob ng isa’t isa. Ang pagod at hirap ay agad na nawala nang marating na namin ang sa ami’y magsisilbing panandaliang tahanan. Napaisip ako na ganito pala ang hirap na dinaranas ng mga magsasaka para lang makababa sa bayan at makapagtindi ng kanilang mga ani.

Naranasan mo na bang magluto na pangggatong lang ang gamit, dalawang lang ang kaldero mo, isa para sa kanin at isa para sa ulam?

  • Ako oo, at mahirap ito. Masyadong mainit ang ningas ng apoy, mahirap matantiya kung gaano kalakas ito. Maaring masunog ang niluluto mo kung hindi mo makokontrol ang apoy. Mahirap talaga, maaari kang mapaso, masugatan, at kung di ka talaga mag-iingat, maaring umapoy ng malakas at masunog ang iyong bahay. Napaisip ako, maswerte pala talaga ako. Nakakabili kami ng gasul at maayos ang aming lutuan. Nakakaawa ang kanilang kalagayan.

Naranasan mo na bang umihi sa isang banyo na tinakpan lang ng 3 kahoy at may iba pang mga kahoy sa ibaba na magsisilbing ihian?

  • Ako oo. Nung una nagulat ako, at aaminin ko, nandiri ako. Iniisip ko kung paano nila nakakaya ang ganung buhay, na kahit simpleng maayos na banyo ay wala sila. Pero naalala ko na dapat akong makisama, dapat kung tanggapin kung ano sila at kung ano ang kaya nilang maibahagi sa akin. Umihi ako ng walang pag-aalinlangan. Wala ng panahon para sa kahit anung kaartehan. Ngunit hanggang ngayon ay nagtataka pa rin ako, paano kaya sila nagbabawas sa gaanong palikuran?

Naranasan mo na bang lumibot sa halos dalawang ektarya ng lupang sakahan?

  • Ako oo, at sadyang mapapamura ka sa karanasang ito. Hindi ko alam kung ilang bundok an ginakyatan at binabaan namin. Basta mahirap, nakakapagod, nakakapanghina. Pero lahat ng makikita mo ay sadyang nakakamangha. Ang kagandahan ng kalikasan ay hindi matatawaran, kahit ilang Robinson’s o SM mall ang ilatag mo d’yan. Habang tinitignan ko ang kabuuan, naintindihan ko na kung bakit ito pinakikipaglaban ng mga kasamang magsasaka. Ang mga lupaing ito ay hindi dapat ginagawang komersyal. Ang mga lupang ito ay nilikha upang tamnan. Ito ay nilikha para ariin, linangin at pakinabangan ng mga kapatid nating magsasaka. Sila ang nakatalagang mangalaga dito, sa kanila ibinigay ang lupang ito.

Naranasan mo na bang maglakad sa putikan na wala kang sapin sa paa?

  • Ako oo at masarap ito. Ang pakiramdam ng putik sa paa, malambot at malamig. Nung una nandiri ako, dahil alam kong madumi iyon. Ngunit walang panahon para sa simpleng kaartehan ko, lakad kung lakad, maputikan na kung mapuputikan. Ang paglubog ng buong binti ko sa malalim na putik, ang pagsigaw ko at pagmura kapag nadudulas, lahat ng ito ay mga karanasang hindi ko makakalimutan. At muli, nakaani ako ng mga kaibigan na tumutulong sakin kapag ako’y tuluyang nalubog na. Mga kaibigan na tinutulungan ko rin kapag sila ang nadudulas at nalulubog. Walang sinumang napahiya kahit halos magdausdos at magpagulong-gulong na sa putikan. Lahat ay masaya lang, nag-eenjoy at nagtatawanan.

Naranasan mo na bang lumakad sa pitak ng palayan at lumubog sa putik na aabot hanggang tuhod?

  • Ako oo, at masarap ito sa pakiramdam. Nung una, nag-inarte ako. Natural lang yun dahiol bago pa lang ako. Lumubog ako, halos hindi na makaalis sa kinatatayuan ko. Pero masaya ito. Papahalagahan mo talaga ang mga magsasaka kapag naranasan mong lumubog sa pitak. Tinitiis nila ang mga linta, ang putik. minsan ay mayroon pang palaka. Pero lahat ng yun ay hindi nila iniinda. Ang mahalaga sa kanila ay makapagtanim upang mayroong makain, makapagtanim upang mayroong kitain.

Naranasan mo na bang bumaba ng bundok upang makarating sa ilog na magsisilbing paliguan, labahan, at pinagkukunan ng tubig ninyo?

  • Ako oo, at namangha ako. Napakaganda ng kalikasan. Malabo lamang ang tubig dahil umulan pero malamig at malinis ito. Ang sarap maligo. Minamasahe ng bawat patak ng tubig ang masasakit na kalamnan at makita mo pa lang ang tanawin ay mapapawi na ang pagod ng maghapon. Sobrang nakalulugod na makita na sa kabila ng magulong siyyuda at magulong pamumuhay, may mga ganitong lugar pa rin na makakapagpalimot sa’yo ng mga problemang dala-dala mo. Nakakamangha ring isipin na nakakababa at nakaka-akyat muli ang mga magsasaka sa napakatarik na daan na papunta sa ilog na ito. Kadalasan ay may dala-dala silang balde ng tubig, o di kaya’y mga produkto na ibebenta, ngunit di nila alintana ang malayong lakarin, mabigat na dala, at matarik na daan. Sadya nga namang nakakamangha.

Naranasan niyo na bang lumakad ng isang oras sa walang katapusang putikan upang marating lamang ang sementadong kalsada na magdadala sa’yo sa kabihasnan?

  • Ako oo. Walang humpay na lakaran ang aming naranasan upang marating ang kalsada kung saan nakaparada na ang jeep na maghahatid sa amin sa Maynila. Pagod na pagod at hapong hapo na kami sa kalahati pa lamang ng paglalakad. Sa katirikan ng araw, di na namin namalayan na napakalayo na ng aming narating at napakatagal na ng paglalakad namin. Para kaming mga batang ngayon lang nakakita ng sementadong kalsada sa sobrang saya nang matanaw na namin ito. Ngunit aking napagtanto na halos araw-araw itong ginagawa ng mga magsasaka na nasa bundook upang mailuwas at maibenta ang kanilang mga ani. Ang kanilang mabibigat na dalahin ay dagdag parusa pero lahat ng ito ay tinitiis nila. Naramdaman ko na wala ako sa lugar upang magreklamo dahil sandali ko lang namang mararanasan ito.

Lahat ng ito ay kinalulugod ko na naranasan ko. Lubhang nagpapasalamat ako sa karanasang ito dahil iminulat niya ko sa tunay na lagay ng buhay. Totoong may mahirap at mayaman. Totoong may naaapi at may nang-aapi. Totoong may mga taong umaabuso at inaabuso, nanamantala at sinasamantala. Totoo ang diskriminasyon. At totoo na lahat ng ito ay naidulot ng kasakiman at pera sa mundo.

Nang ako’y papauwi na sa aming munting tahanan, naitanong ko sa sarili ko: Magagawa ko ba talagang bumalik sa paraisong iyon? Oo ang sagot ko. Pero alam kong kulang pa ko sa kapasidad para magawa yun ngayon. Habang ako ay naglalakad patungong MRT station, naalala ko ang putik at tarik ng daan na aming tinahak. Nararamdaman ko pa rin yun sa aking mga paa, pero di na nakikita ng aking mga mata ang mga kanais-nais at kamangha-mangha likha. Nang ako’y makauwi at habang naliligo, habang ramdam ko ang bawat patak ng masaganang tubig mula sa shower at gripo, naisip ko na napakapalad ko dahil lahat ng ito ay nasa harap ko. Ngunit sa kabilang banda ay nalungkot ako dahil bakit kailangan may mga taong hindi maranasan ang mga nararanasan ko? 

Kung mabibigyan lamang sila ng pagkakataon. Kung matatauhan lamang ang mga taong mapang-abuso. Sana ay maisip nila na wala silang karapatan sa lupang iyon. Pera lang ang mayroon sila, hindi nila dinanas lahat ng dinaranas ng mga magsasaka. Hindi sila napuputikan, hindi sila nadudumihan. Maligaya silang nakaupo sa malamig nilang mga opisina, pahiga-higa sa malambot na kama, habang ang mga magsasaka ay maghapon magdamag kumakayod para lamang may maihain sa hapag.

Lahat ng ito ay nakita ko nang makipamuhay ako sa mga magsasaka ng Sitio Balwarte sa San Jose del Monte, Bulacan. Sana maraming makaranas nito. Sana maraming isipan ang mabuksan. Sana maraming makipaglaban para sa kapakanan ng maralitang Pilipino. MAkiisa tayo. Lumaban tayo. Para sa atin ito. Para sa mga kapatid nating magsasaka ang labang ito. Hindi naman kabawasan sa pagkatao mo kung kikilos ka hindi ba? Hindi ka naman madudungisan kung makikinig ka.

Makinig. Makialam. Kumilos.
Tulungan natin ang mga magsasakang Pilipino.
Tulungan natin ang mga maralitang Pilipino.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Yellie Jelly :D


Blabbermouth. Primadonna. Irrational. Impulsive. Critical. AWESOME.

%d bloggers like this: